Wednesday, January 25, 2006

At 26



Ilang Bagay

1.

Tumatanda na ako.

2.

Hindi ko na kayang magpuyat nang magdamag. Dati, kaya kong magsulat o sumayaw hanggang kinaumagahan - matulog ng 530 a.m. para tapusin ang isang kabanata, o sumayaw at makipagkuwentuhan kasama ng mga kaibigan ko hanggang sumikat ang araw - pero ngayon, pagpatak ng ala-una o alas dos ng umaga, kahit saan man ako, ninanais ko nang umuwi at matulog.

3.

Hindi ko na rin kayang makipag-plastikan sa mga taong hindi ko gusto. Dati, kaya kong makipagtawanan sa mga taong ito habang ini-imagine ko silang nalulunod sa malalim na imburnal na kasing baho at kasing itim ng kaluluwa nila. Pero kagabi, nang kasama ko na ang mga taong ito, naunawaan ko na ayaw ko nang makipag-plastikan. Sawa na ako sa paglalagay at pag-iiba-iba ng maskara. Gusto ko nang magpakatotoo. Nakakapagod na ang makipagtaguan sa mundo na dapat ay malayang ginigalawan nating lahat.

4.

Ayaw ko na rin syang isipin. Sa sandaling ito, sigurado ako na tulog pa sya, o kung hindi man, ay nasa kama ng ibang babae (o lalaki). Hindi siya pilipino. Aalis sya sa loob ng walong buwan. Hindi ito tatagal. Kaya, tama na.

5.

Bakit ako nag-tatagalog? Dahil ayaw kong munang mag-ingles. Ito ang lengwaheng ginagamit ko para sa aking trabaho. Ang problema kapag ikaw ay isang propesyunal na manunulat ay pinipiga mo ang katas ng mga salita para sa mga bagay na wala ka namang talagang paki.

Sinusubukan kong magsulat sa filipino kasi hindi ko pa ito talagang nagagawa. Sigurado ako na gumugulong kayo sa kakatawa dahil mali-mali ang tagalog ko, pero ok lang yon. Masaya naman ako at napatawa ko kayo kahit ng konti, kasi alam ko hindi ako nakakatawang tao. Kung baga, ang tawa ninyo ay parang palakpak na rin para sa akin. Di na kayo tumatawa? Pwes, may kuwento ako.

6.

Noong nakita ko si Jason Mraz palabas ng banyo sa Rockwell Tent (sige, aaminin ko na, sinundan ko sya doon bago magsimula ang show), tinangka kong batiin sya.

"Hi!" sabi ko, pero napakatinis ng boses ko, parang kakalanghap ko lang ng hangin na galing sa lobo (ano nga ba ang tawag doon? hydrogen?), at hindi ako makatingin ng deretso sa kanya.

Nag-"hi!" ako na nakatingin sa sahig. Parang binati ko ang sahig, hindi sya. At bakit di nga naman natin batiin ang sahig? Kawawa naman ang sahig, inaapak-apakan lang sya, habang buhay na hindi pinapansin. Dapat din namang nating mag-"hi" sa sahig paminsan-minsan.

Eneway (ano ang tagalog ng "anyway"?), tumingin si Jason sa paligid nya, hinihanap kung sinong cartoon character ba ang nag-"hi" sa kanya, pero dahil di pa rin ako nakatingin sa kanya, hindi nyang inakalang ako yon. Baka inisip nya ini-magine lang nya na may nag-"hi" nga sa kanya. Sabi lang nya "yeah", at lumakad paalis.

6.

Masarap kumain ng tinapay. Paborito ko ang foccacia bread na isinasawsaw sa balsamic vinegar at olive oil. Kung masipag lang ako ay gagawa ako ng sarili kong tinapay. At pwede ninyo na akong tawaging Nigella Lason.

7.

Ang dami kong deadline. Nakakaloka.

8.

Sinong gustong lumabas bukas para sa kape at kuwentuhan? Marami akong gustong pag-usapan. Pramis, hindi ito tungkol sa lalaki. Alam kong nangako akong magpapaka-mongha muna ako sa lagay na yan, at kahit mahirap, mainam ko namang tinutupad ang pangakong iyon.

9.

Pero pwede kaya sa babae?

10.

Biro lang. Salamat sa pagbasa nito, kahit hindi ninyo masyadong naintindihan. 26 na ako. Marami pang kuwento.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home