Isang Eksena
At sinabi niya, ayaw ko nang umasa.
Laging may umiibig sa mga istoryang katulad nito. Minsan isa lang sa dalawang katauhan ang may nararamdaman, at kung sinuswerte din naman, minsan ay pareho sila.
Kulang na lang na umulan, kumulog at kumidlat para maging isang lubos na malabagdamdaming eksena ito: ang nandito lamang ay ang lamat ng luha sa kanyang pisngi, at ang mga pasa sa aking dibdib. Matagal na kami dito, mga ilang oras na ang nakalipas, dumating kami dito sa bahay niya nang tanghaling tapat at lumulubog na ngayon ang araw, pero ayaw pa rin niya ako paalisin. Dito ka na lang, pakiusap niya, mag-usap pa tayo.
Nanatili ako doon hanggang nakatulog na siya, habang nakasampa siya sa balikat ko. Mala-anghel ang mukha niya, ngunit magaspang ang kanyang mga kamay. Napakarami niyang humalom na hiwa at kalyo. Mahirap siguro mag-aral ng medisina tuwing gabi, bulong ko sa kanya habang siya'y natutulog, at magbanat ng buto sa workshop ng tatay mo pag-araw.
Iniisip ko kung kaya kong manatili dito hanggang umaga, ngunit kinakailangan ko na talagang umalis. Hindi ito para sa akin. Dahan-dahan ko siyang hiniga sa sofa na kanina pa naming inuupuan, tinakpan ng jacket na napakalaki para sa kanya.
Dalawang araw na ang nakalipas at hindi pa rin niya ako tinatawagan. Dapat makaramdam ako ng sakit, pero ang nararamdaman ko lamang ay kalungkutan para sa posibleng kawalan ng isang mabuting kaibigan.
Sa kuwentong ito, sino ang umibig, at sino ang nawalan?
Kayo ang humusga.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home