Katauhan, Katawan
# 1
Inikot ako sa Philippine General Hospital ng kaibigan kong si Vincent kaninang hapon.
Mga 10 taon na ang nakalipas nang huli kong makita si Vincent. Pareho kaming nasa Tanghalang Ateneo noon.
Iba ako noon: dati, ako ay kulot at hindi marunong manamit, parang bakang bagong panganak kung gumalaw, mahinhin at mapag-isa. Ngunit dahil mabait at mapuna si Vincent, mayroon siyang nakitang kakaiba sa akin, kaya kami naging magkaibigan.
Nasa Xavier Hall kami nang huling pagkikita namin: freshman siya, at sophomore ako. Pareho kaming naguluhan sa sitwasyon - hindi kami marunong umarte, ngunit napadpad kami sa isang organisasyon kung saan ito ang pangunahing pangangailangan - at sa iba pang kadramahan na kasama sa pagiging magkaibigang hindi na ewan ng isang lalaki at ng isang babae.
Dapat naging mas mabuti ang pakikitungo ko sa kanya.
Kaya noong pinadalhan niya ako ng mensahe sa Friendster noong nakaraang linggo, sinagot ko kaagad ito.
Minsan-minsan lang tayo nabibigyan ng pangalawang pagkakataon na ayusin ang ating mga nakaraang pagkakamali.
Kanina, pagkatapos ng sampung taon, sampung napakabilis na taon na dumaan sa mga daliri namin na para lang buhangin, nagkita kami sa North Wing canteen ng PGH.
Hindi niya ako namukhaan.
Nagbago na daw talaga ako.
Nakaputi siya. Mukha na talaga siyang doktor. Marami siyang tanong tungkol sa pagsusulat. Marami siyang nais isalaysay.
Tutulungan ko siya.
# 2
Sa Oncology ward ng PGH marami akong nakita na hindi ko makakalimutan. Maganda ang mga kuwarto: kung anu-ano ang mga nakapintura sa mga pader - isda, bahaghari, coral reef, punong namumunga ng mansanas at mangga ng sabay - at nakabukas ang mga pinto nito sa isang maaliwas at kaaya-ayang hardin. Sa mga kama, nakahiga, o nakaluhod, o umiiyak o di kaya'y tumatawa, ang mga pasyente.
Kalbo ang ilan sa kanila. Maraming may mga tumor na higit pa sa kalakihan ang isang basketball. Mga iba ay mag-isa. Ang mga iba naman ay kasama ang kanilang mga pamilya - at napakalas ng mga halakhak nila, umaalingawngaw sa dumidilim na corridor ng ward.
# 3
Ano ang tinanong ko sa Buddha noong pumunta ako sa Chinese temple sa Chinatown noong nakaraang Linggo?
Tinanong ko kung dapat nga bang pabayaan ko ang sarili ko na umasa na mayroong ngang namamagitan sa amin.
Sabi ng aking fortune: Wait for the opportune time to act. Patience and timing is key.
# 4
Lahat ng aking ginagawa ay para sa aking pagsusulat.
# 5
At para sa Diyos. Lagi, para sa Diyos.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home